BOAC, Marinduque -- Pormal nang nanumpa sa tungkulin ang mga bagong hirang na opisyal ng Marinduque Provincial Tourism Development Council (PTDC) na ginanap noong Miyerkules, Pebrero 24 sa Marelco Conference Hall, bayan ng Boac.
Ang oath-taking ceremonies ay pinangunahan ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. bilang 'índucting officer'.
Sa mensahe ni Velasco, sinabi nito na malugod n'yang binabati at pinasasalamatan ang mga bagong opisyal ng PTDC sapagkat tinanggap ng mga ito ang hamon na pamunuan ang kapulungan sa kabila ng matinding pagsubok na kinahaharap ng sektor ng turismo sa kasalukuyan bunsod ng pandemya.
Bago ang panunumpa, nagbigay ng presentasyon hinggil sa Tourism Council Profile si PTDC Chairperson Susan Nace kung saan ay tinalakay nito kung paano nabuo ang konseho.
Aniya, sa bisa ng Executive Order No. 36-2020 na nilagdaan ng kasalulukyang gobernador, inaataasan ang PTDC na bumuo at bumalangkas ng mga proyektong mga kaugnayan sa pagpapa-unlad ng turismo sa lalawigan sa ilalim ng pamahahala ng Provincial Tourism and Culture Office.
Ang mga itinalaga sa katungkulan ay sina Susan Nace ng Dream Favor Travel and Tours bilang pangulo, Glynis Karen Raza ng Marinduque State College bilang pangalawang-pangulo, Carmelita Rejano ng Boac Hotel bilang ingat-yaman, Ina Macavinta ng Casa de Don Emilio bilang auditor at Rafael Seno ng Agrea, Inc. bilang kalihim. Kasama ring nanumpa sina Gerry Jamilla mula sa Provincial Tourism Office at Romeo Mataac, Jr. ng Philippine Information Agency-Marinduque bilang mga 'board of directors'. (RAMJR/PIA MIMAROPA)
0 Comments